Driver binastos ang kumare, huli

October 16, 2019

Binigyan ng matinding halik ng 29-anyos na truck driver ang kanyang kumare nang magkasalubong sila sa loob ng kanilang tinitirhang compound kamakalawa ng gabi sa Valenzuela City.

Namula ang mukha sa hiya at galit ng 30-anyos na ginang na kinilala sa alyas “Armie” sa suspek na si Jesus Laguinday, residente ng Francisco Compound, Bgy. Karuhatan lalo na’t hindi niya inakala na hahalikan siya sa labi ng kumpare at malapit na kaibigan ng kanilang pamilya.

Sa impormasyong nakarating sa tanggapan ni Valenzuela police chief P/Col. Carlito Gaces, matagal na umanong may kakaibang pagtingin si Laguinday sa ginang bagama’t hindi niya magawang maipagtapat ang nararamdaman dahil bukod sa may kalive-in na ang biktima, matalik na magkaibigan ang kani-kanilang pamilya.

Gayunman, hindi na nakatiis sa panggigigil si Laguinday nang masalubong niya dakong alas-9:30 kamakalawa ng gabi si Armie sa loob ng compound kaya’t matapos na akbayan ang ginang by biglang hinalikan ito sa labi.

Binitiwan lamang ng lalaki ang pagkakayakap at halik kay Armie nang magsisigaw na humingi ng tulong ang ginang sa kanyang mga kaanak.

Kaagad nilang inilapit sa mga barangay tanod ang kabastusang ginawa ng suspek na nagresulta sa kanyang pagkakadakip. Kasong acts of lasciviousness ang isinampa ng Valenzuela Police Women and Children’s Protection Desk (WCPD) laban sa suspek sa piskalya ng lungsod.