Driver inalipusta ang gf, dinakip

November 13, 2019

INAKUSAHAN ng panlalalaki, inalipusta sa harap ng publiko at tinangka pang hampasin ng helmet sa ulo ng isang trak driver ang kanyang kinakasama na nagresulta sa kanyang pagkakakulong kamakalawa ng gabi sa Malabon city.

Kung hindi kaagad nakapamagitan si Magno Tiope, barangay tanod ng Bgy. Potrero na nakasaksi sa ginagawang paninigaw at pag-aakusa ng suspek na si Roderick Santos, 46, sa kinakasamang itinago lang sa pangalang “Tina,”36, factory worker, malamang na nahampas sa mukha ang ginang ng helmet na hawak ng suspek.

Sa imbestigasyon ni P/SSgt. Diana Palmones ng Malabon Police Women and Children Protection Desk (WCPD) sinundo ni Santos ang kinakasamang si Tina sa pinagta-trabahuhang pabrika sa Atis Road, Bgy. Potrero dakong alas-10 ng gabi kasama ang maliit pa nilang anak sakay ng isang motorsiklo.

Nang lumabas ng pabrika ang ginang, kaagad siyang sinigawan ng kalive-in at inakusahan na nang-manyak ng lalaki sa loob ng pabrika. Pinagsabihan pa umano ng suspek ang kinakasama na mahilig sa sex na naririnig ng mga tao sa lugar na nakapuna sa ginagawang  pag-eskandalo ng lalaki.

Sa tindi ng hiya, hindi na lang kumibo si Tina kaya’t lalu pang nagsisigaw ang lalaki at tinangka pang ihampas sa mukha ng ginang ang hawak na helmet. Dito na humingi ng tulong ang biktima sa barangay tanod na nagresulta sa pagkakadakip kay Santos.

Kasong paglabag sa R.A.9262 o Violence Against Women and their Children’s Act ang isinampa ng pulisya laban sa nadakip na suspek.