Home>News>Metro>Driver sinapak binatilyo sa kuwarto ng ‘anak’, kinasuhan

Driver sinapak binatilyo sa kuwarto ng ‘anak’, kinasuhan

NAHAHARAP sa kasong child abuse ang 36-anyos na personal driver matapos niyang sapakin ang menor-de-edad na binatilyo nang mahuli niyang nakahiga ng halos walang saplot sa katawan sa loob ng silid ng kanyang stepdaughter Huwebes ng hapon sa Paranaque City.

Naglumuhod pang humingi ng tawad si Joseph Amodia, residente ng PCJ Lagoon, Phase III, BF Homes sa 16-anyos na binatilyo at sa mga magulang nito matapos siyang ireklamo at ipadakip sa pulisya dahil sa ginawang pananapak sa biktima subalit desidido ang ina ng nasapak na ituloy ang reklamo.

Batay sa imbestigasyon, dakong alas-4:30 p.m. nang umuwi ng bahay si Amodia at napansin niyang matamlay ang kanyang stepdaughter kaya’t pinayuhan niyang magpahinga muna sa kanyang silid.

Nang pumasok ang dalagita sa kanyang silid, inalalayan siya ng amain na nagulat nang makita ang binatilyo na nakasuot lamang ng boxer shorts at nakahiga sa kama kaya’t sa galit at paghihinala ay sinapak niya kaagad sa sikmura ang biktima.

Umuwi ang binatilyo at isinumbong sa magulang ang pananapak sa kanya kaya’t nagreklamo sila sa pulisya na naging dahilan upang imbitahan ng mga pulis sa presinto si Amodia dakong alas-2:30 ng madaling araw ng Biyernes.

Humingi ng pang-unawa si Amodia sa nagawa at sinabing sinuman ang nasa kanyang sitwasyon ay mabibigla rin kung madatnan ang lalaking halos walang saplot na nakahiga sa kama ng kanyang step-daughter.

Bagama’t hindi aniya siya ang tunay na ama ng dalagita, minahal, pinag-aral at itinuring niyang sariling anak, tulad ng pagmamahal niya sa tatlo pa nilang anak ng kanyang asawa kaya’t nangangamba siya na magutom ang kanyang pamilya kapag tuluyan siyang napiit.

Publication Source :    People's Tonight