Duterte to Tricycle Operators and Drivers Associations: Let’s go for Bong Go

January 24, 2019

LUBOS ang pasasalamat ng iba’t ibang Tricycle Operators and Drivers Associations (TODA) sa bansa kay dating Special Assistant to the President Christopher Lawrence “Bong” Go dahil sa paghahatid ng kandidatong senador kay Pangulong Rodrigo Duterte ng kanilang mga karaingan.

Sa kanyang mensahe sa TODA Summit na ginawa sa Cuneta Astrodome sa Pasay City, sinabi ni NCR-TODA president Ismael Sevilla na ang ideyang ito ng paglulunsad ng summit ay nagsimula sa pagkikita nila ni Go sa isang karinderya.

“Natalisod lang po ako ng ating magiting na si SAP Bong Go. Siya po ang nagtanong sa akin at nakipagkwentuhan, nagtanong kung anong problema ng TODA. So nabanggit ko po lahat ng hinaing ng TODA,” ayon kay Sevilla.

Aniya ang huling summit na ginawa ng mga TODA ay isinagawa noong 2008 subalit nauwi lang sa mga “taingang kawali” ang kanilang mga hinaing.

“Pero kay SAP Bong Go, sa kalsada lang kami nagkwentuhan at tingnan niyo naman narito na tayo at dinudulog na ang problema ng mga magta-tricycle. Sana hindi po dito nagtatapos ang ugnayan ng TODA at national government,” sabi ni Sevilla na labis ding nagpasalamat kay Pangulong Duterte na personal na dumalo sa okasyon.

Si Kuya Bong ang nanawagan at nagpasimula ng summit para sa lahat ng TODA sa buong bansa nang sa gayo’y mapakingnan ang problema ng mga opereytor at drayber, partikular ang hiling nila na magkaroon ng iisang regulasyon ang kanilang operasyon.

Suportado ni President Duterte ang kandidatura sa pagkasenador ni Go sa pagsasabing kilala niya ang integridad ng kanyang top aide na nakasama niya sa loob ng 20 taon.

Ipinagmalaki ng Pangulo si Kuya Bong bilang isang taong “mabait” at “tapat”.

Ayon sa Pangulo, magiging “boses ng masa” si Bong Go lalo’t napakalawak na ng karanasan nito sa paglilingkod kasama niya. Kilala niya si Go na laging humahanap ng paraan upang malutas ang mga problema ng kanilang constituents.