E-trike di na puwede sa Maynila

Tatanggalin na ni Manila Mayor Isko Moreno sa mga public roads ng Maynila ang mga e-tricycles.

Ito ay matapos na ihayag ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chief Danilo Lim  na ang mga naturang electric vehicles  ay isa lamang laruan kaya hindi umano dapat payagan ni Moreno na lumabas sa public roads ang mga battery-operated vehicles.

Nalaman na nasa mahigit 300 e-tricycles ang naglipana sa iba’t ibang bahagi ng Maynila. “Ako pinapa-pull out ko na. We will pull it out kasi (because) it generates chaos,” ayon kay Moreno matapos na makipag pulong sa  mga  Metro Manila mayors.

Ayon pa kay Moreno, hindi naman puwedeng i-regulate ng  Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga  e-trikes  dahil hindi naman sila motorized vehicles. “Yung LTFRB binigyan ng prebiliheyo na makapag-hanap buhay ‘yung jeepney driver tapos inagawan ng pasahero ng e-trike na walang prangkisa pero may pagkilala ng lokal [na pamahalaan],” dagdag pa ni Moreno.

Nalaman kay Moreno na sa pulong sinabi sa kanya ni Lim na bigyan niya ng atensiyon ang mga e-tricycle na huwag palabasin sa public roads.