Erap pa rin sa Maynila

January 06, 2019

Estrada, 45%; Lim, 24%, Isko, 20%

PATULOY ang pag-arangkada ng popularidad ni Manila Mayor Joseph Estrada kasunod ng mas malalim at mas madetalyeng survey na isinagawa sa lungsod nitong Nobyembre 28 hanggang Disyembre 3, 2018.

Batay sa non-commissioned survey na isinagawa ng  Company for Strategic Research, Inc; lumitaw sa 2,400 respondents na si Estrada pa rin ang gusto ng mga mamamayan ng lungsod na mamuno sa kanila mula 2019 hanggang 2022.

Lumitaw sa pag-aaral na 45% pa rin ng mga botante sa lungsod ang pabor na manatili sa pagiging alkalde si Erap samantalang 24% lamang ang pumili kay former mayor Alfredo Lim;  20% naman ang nakuha ni Moreno at 9% lamang ang undecided, 1% ang walang pakialam at 1% ang walang iboboto.

Sa pagka-bise alkalde, umuungos din si former congressman Amado Bagatsing sa rating na 44% samantalang si incumbent Vice Mayor Honey Lacuna ay 32%, Elmer Jamias 1%, Manoy Verlie Anonuevo, 1%, 17% undecided at 2% ang walang pakialam.

TInukoy sa pag-aaral ng research company na ang mga accomplishments ni Estrada ang naging malaking bentahe sa resulta ng survey dahil pamilyar ang karamihan ng mga Manileno sa malawak na serbisyo ng lungsod sa ilalim ng pamanahala ng former President.

Nabanggit din sa resulta ng survey na kumbinsido ang mga respodents na naiahon ni Estrada ang Manila mula sa pagkakautang nitong P8 bilyon mula  sa GSIS emlpoyees unremitted contributions, kuryente, tubig, telepono at iba loang bayarin ng city.

Magugunitang bago pa naging alkalde si Estrada, nagbigay na ng final notice ang mga utility companies na puputulan ng supply ng tubig, kuryente at telepono ang city hall kapag hindi nabayaran ang mga pagkakautang nito.

Sa ngayon, financially stable ang lungsod ng Maynila matapos mabangkorate ng ilang taon dahil sa maayos na pamamahala ni Estrada.

Lumabas din sa survey na naramdaman ng mga taga-Maynila ang malawak na medical services ng lungsod tulad ng mga libreng paospital na may gamot, libreng palibing, pagtatayo ng kauna-unahang Dialysis Center na may 55 dialysis machines at libreng nagagamit ng mga may sakit sa kidney.

Sa bahagi naman ni Mayor Estrada, pinasalamatan niya ang mga taga-Maynila sa patuloy na tiwalang ipinagkakaloob sa kanya.

“Sobrang dami ng problema ng lungsod nang datnatn natin, walang matinong pasilidad, walang pera, wala lahat kaya nga nahirapan tayo sa unang tatlong taon. Sa second term, marami na tayong nagawa at nailagay na natin sa maayos na sitwasyon ang lungsod. Itong susunod na huling taon ko sa pulitika, todo na ito kaya nga ang pokus natin ay trabaho naman sa daan-daang libong mamamayan sa lungsod sa pamamagitan ng bubuksang reclamation area para maging bagong business center at technohub ng Maynila,” sabi pa ni Mayor Estrada.

Sa serye ng  Focus Group Discussion, lumitaw din na mas malinaw ang direksiyon ng Maynila sa ilalim ng liderato ni Estrada, partikular sa aspeto ng pagbabago, mas mabilis na serbisyo at mas naging maunlad ang lungsod. Pero sa bahagi ni Estrada, sinabi nitong kailangang magtulung-tulong ang lahat ng mamamayan ng lungsod upang maibalik ang dating kinang ng Maynila na mahabang panahong napabayaan sa mga nakaraang pamunuan.