Erap: Tutukan waste disposal ng zoo

January 11, 2019
Joseph Estrada
Joseph Estrada

Mahigpit na ipinagutos ni Manila Mayor Joseph Estrada kay City Administrator Ericson Alcovendaz na tiyaking maayos ang waste disposal ng  mga istrakturang pag-aari ng local na pamahalaan kasunod ng plano ng national government na isagawa ang major rehabilitation ng Manila Bay.

Partikular na pinatututukan ni Mayor Estrada ang Manila Zoo na kabilang sa nabanggit ng DENR na walang maayos na waste disposal system upang matiyak na makatutugon ito sa Environmental Code Ordinance 8371 na naipasa ng konseho sa ilalim ng kanyang termino.

Nagbigay din ng direktiba si Estrada kay Alcovendaz na magsagawa ng imbentaryo sa mga gusali na pag-aari ng city government para sa lalong madaling panahon ay magawan ng mga tamang waste disposal ang mga ito bago pa magsimula ang rehabilitasyon ng Manila Bay.

“Dinatnan na nating ganyan ang sitwasyon ng Manila Zoo kaya’t ginagawan natin ng paraang maayos ito. Kaya nga tayo nagkaroon ng Enviromental Code Ordinance para nga masolusyunan ang mga problemang sumisira sa ating kalikasan,” ani Estrada.

Tiniyak ni Estrada na suportado niya ang proyektong rehabilitasyon ni  Pangulong Duterte kaya’t ngayon pa  lamang ay pinaiinspeksiyon na rin niya ang  iba pang city owned premises na posibleng direktang nagtatapos sa  Manila Bay.

“Inuuna natin ang mga local government properties na sumunod sa mga environmental laws bago nating tutukan ang mga commercial stablishments. Kailangan makita nila na tayo sa gobyerno ang unang sumusunod sa batas,” sabi pa ni Mayor Estrada.