Fire volunteer binaril sa Tondo, tigok

December 29, 2018

Patay ang isang fire volunteer matapos pagbabarilin ng dalawang suspek na nakasakay sa isang kulay pulang Toyota Wigo, kamakalawa ng hapon sa Tondo, Maynila.

Namatay noon din ang biktimang si Dennis Tolentino, 38, na bukod sa fire volunteer ay may sideline din bilang bartender at residente ng 139 San Pedro St., Balut, Tondo.

Blanko naman ang pulisya sa pagkakakilanlan ng dalawang suspek na nakasuot ng kulay itim na bullcap at face mask na lulan ng kulay pulang Toyota Wigo na walang plaka.

Ayon kay PO3  Mark Daniel de Guzman kay P/Chief Insp. Rommel Anicete hepe ng Manila Police District-homicide section, bandang alas 4:40 ng hapon, nang maganap ang pamamaril sa harap ng isang bahay sa 2341 Pinoy St., Balut,Tondo.

Sa imbestigasyon sakay umano ng motorsiklo si Tolentino sa nasabing lugar, ng dikitan ng kotse na lulan ng 2 suspek, saka ito walang habas na pinaputukan, gamit ang kalibre 45 baril.

Mabilis naman tumakas ang suspek sa direksiyon ng Younger St., sa Balut pagkatapos ng pamamaril.

Sa impormasyon nakuha sa asawa ng biktima nalaman na kamakailan ay mayroon umanong nakaaway ang kanyang mister pero hindi niya idinetalye kung ano ang pinagawayan at kung sino ang nakaaway ng biktima.