Ginang nakitang patay sa overpass

February 26, 2020

Natagpuan ang bangkay ng isang ginang sa overpass sa Barangay San Bartolome, Quezon City, nitong Miyerkules  ng tanghali.

Sa inisyal na report  ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), dakong alas-12 ng tanghali nang matagpuan ang bangkay ng hindi pa nakilalang ginang na tinatayang nasa edad 50 hanggang 55, may taas na 4’9, nakasuot ng black and white stripe long-sleeved at  printed assorted color leggings a sa  overpass sa  Quirino Highway malapit sa San Bartolome Elementary School, Bgy. San Bartolome, QC.

Nagbabantay umano sa barangay outpost ang tanod na si  Apolinario Llaguna nang may nagreport sa kaniya na may isang babae ang tila naghihingalo umano sa nasabing overpass.

Agad na ipinagbigay alam ng  tanod sa pulisya ang insidente subalit pagdating sa lugar ay wala nang buhay ang ginang.

Wala namang nakitang injuries sa katawan ng ginang kaya hinihinalang nahapo ito sa pag-akyat sa overpass, nahilo o inatake at saka tuluyang tumumba.