Ginang nalunod sa isang baldeng tubig sa banyo

Nasawi ang isang ginang matapos umanong malunod sa isang balde ng tubig sa loob ng kanilang banyo sa Quezon City kahapon ng umaga.

Kinilala ni P/Captain Juan B. Mortel ng Criminal Investigation and Detection ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD) ang biktima na si April Reales Magtoto, 29-anyos, housewife, tubong Nueva Ecija at residente ng No. 242 Rosal St., Pinkian Bgy. Pasong Tamo ng nasabing Lungsod.

Sa inisyal na imbestigasyon ni PSSgt. Rhic Roldan L. Pittong, ng CIDU-QCPD, dakong alas-9:10 ng umaga ay natagpuang patay at nakalublob ang mukha ni April sa isang balde ng tubig sa kanilang banyo ng kaniyang mister na si Rodelio.

Ayon kay Rodelio, pagdating umano nila sa kanilang tahanan ay hinanap niya ang kaniyang misis subalit wala ito sa paligid kaya hinanap niya sa kanilang silid, kusina at nang  buksan niya ang kanilang banyo ay doon na niya nakita ang kaniyang misis na nakalugmok ang mukha sa balde ng tubig.

Agad na humingi ng saklolo si Rodelio sa kanilang mga kapitbahay at isinugod sa FEU Medical Center ang biktima subalit idineklara itong dead-on-arrival ng attending physician na nakilalang si Dr. Santino Pangwi, bandang alas-9:28 ng umaga.

Tumanggi namang paimbestigahan pa ng mister ng biktima ang insidente at sinabing posibleng sinumpong ng sakit na epilepsy ang kaniyang misis sa loob ng kanilang banyo at sa mismong balde ng tubig ito bumagsak at nalunod.