Guro nagpanik sa bomb scare

Nagdulot ng tensyon ang isang tawag na natanggap ng isang guro ng Marian School sa Barangay Sauyo, Novaliches, Quezon, na diumano’y may bombang itinanim sa kanilang eskuwelahan kahapon ng umaga.

Ayon kay Quezon City Police District station 4 Novaliches commander Lt. Col Rocel Cejas, dakong alas 11:30 ng umaga nang makatanggagp ng tawag ang isang teacher ng naturang paaralan na may bomba umanong itinanim sa kanilang eskuwelahan.

Sa takot ay agad na ipinagbigay-alam ng naturang guro sa kanilang principal at opisyal ng paaralan ang natanggap na tawag kaya  humingi na sila nang saklolo sa mga awtoridad, saka pansamantalang pinalabas ng gusali ang mga estudyante at teachers.

Mabilis namang nagresponde ang mga tauhan ng  bomb squad at Novaliches police sa eskwelahan subalit  sa kanilang pag-iikot ay negatibo naman sa anumang uri ng explosive device ang eskwelahan.