Guro nanlaban, nakaiwas sa panghahalay ng lasing

June 03, 2019

BINUGBOG ng isang lasing na vendor ang 23-anyos na guro makaraang manlaban matapos na hubaran at tangkaing halayin sa loob ng isang abandonadong bahay kamakalawa ng gabi sa Valenzuela City.

Kung hindi sa maagap na pagdating ng mga opisyal ng barangay, malamang na nailugso ng suspect na si Romnick Padua 30 ng Jeremias St., Pag-asa, Bgy. Karuhatan ang puri ng guro na itinago sa pangalang Emma, residente ng isang subdivision sa Bgy. Gen. T. De Leon.

Lumabas sa imbestigasyon na naglalakad ng pauwi ang guro dakong alas-11:40 ng gabi nang mula sa kanyang likuran ay bigla siyang hinablot at puwersahang kinaladkad ng lasing na suspek papasok sa isang abandonadong bahay sa Tamaraw Hills, Bgy. Marulas.

Pilit na nanlaban si Emma subalit nangibabaw ang lakas ng suspek hanggang maipasok siya sa loob ng bahay at sinimulang hubaran habang nakasubsob ang mukha sa sahig.

Nang simulan ng dakmain at himasin ni Padua ang dibdib ng guro habang sapilitang inaalis ang natitirang saplot sa katawan, dito na inubos ni Emma ang kanyang lakas at pilit na nanlaban kaya’t sa galit ay pinagbubugbog siya ng suspek.

Nakatawag pansin naman sa dumadaang tricycle driver na si Eugenio Guzman, Jr. ang sigaw ng guro kaya’t sinilip niya ang loob ng abandonadong bahay at nakita niya ang ginagawang panggugulpi ng suspek sa halos nakahubad ng katawan ng biktima.

Kaagad na humingi ng tulong sa mga tanod ng barangay Marulas ang testigo na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek na nahaharap ngayon sa kasong attempted rape at physical injuries sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.