Holdaper dedo

Nasawi ang isang holdaper nang makipagbarilan sa mga awtoridad na nagsasagawa ng ‘anti criminality operation’ sa Aurora Boulevard, Quezon City, nitong Miyerkules ng gabi.

Ayon kay  P/Lieutenant Roldan T. Dapat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), nakilala lamang ang napatay na holdaper sa pangalang  Arawa Said, 20-anyos.

Sa inisyal na imbestigasyon ni P/Master Sgt. Marvin P. Masangkay ng CIDU-QCPD, ang engkwentro ay naganap dakong alas-10:10 ng gabi sa harapan ng Aqua Neon Advertising na matatagpuan sa kahabaan ng Aurora Blvd., sa kanto ng 20th Avenue, Bgy. Silangan, QC.

Ayon sa pahayag ng biktimang si Sofia Diaz, naglalakad umano siya sa nasabing lugar ng sumulpot ang nasabing holdaper at tinutukan siya ng baril saka hinablot ang kaniyang hawak na cellphone.

Tatakas na sana ang holdaper subalit naispatan nito ang suot na gold bracelet ng biktima kaya bumalik upang kunin din subalit  nakipambuno na si Diaz habang sumisigaw  ng “Holdaper,  Holdaper!”.

Nagkataon namang nagpapatulya sa lugar ang mga operatiba ng Cubao Police Station 7 na pinamumunuan ni P/Corporal Leo Damo at narinig ang sigaw ng biktima.

Agad na nagresponde ang mga awtoridad subalit nang maispatan sila ng holdaper ay bumunot ito ng baril at nagpaputok sa direksiyon nang papalapit na mga pulis, kaya agad gumanti nang pamamaril ang mga pulis at duguang bumulagta ang suspek.

Naisugod pa ang suspek sa QMMC hospital subalit binawian din ito ng buhay bandang alas-11:40 ng gabi, sanhi ng tinamong tama ng bala sa dibdib.