Home>News>Metro>Inuman nauwi sa barilan, saksakan; 3 nasugatan

Inuman nauwi sa barilan, saksakan; 3 nasugatan

SUMIKLAB ang gulo sa pagitan ng dalawang grupo ng mga nag-iinumang kalalakihan na nagresulta sa pagtatamo ng saksak at tama ng bala ng tatlong biktima Biyernes ng tanghali sa Malabon city.

Kaagad na isinugod sa Ospital ng Malabon si Makie Burca, 23, ng Dulong Hernandez St. Bgy. Catmon sanhi ng tinamong tama ng bala sa balikat habang sa Chinese General Hospital naman dinala ng kanilang mga kaanak ang 17-anyos na estudyante at kanyang kaanak na si Paulo Gozon, 24, kapuwa residente ng Camus Ext. Brgy. Ibaba.

Naaresto naman ng mga nagrespondeng pulis si Mark Anthony Marquez, 19, ng Dulong Hernandez St. at nakumpiska ang ginamit niyang balisong habang nakatakas ang kasama niyang si Mark Bernardo, 30 ng Camus Ext., bitbit ang ginamit na baril.

Batay sa ulat nina P/SSgt. Diego Ngippol at P/SSgt. Ernie Baroy, nag-iinuman sa kani-kanilang tirahan ang mga suspek at biktima nang magkaroon ng pagtatalo dakong alas=11:30 ng tanghali na nauwi sa labu-labo sa mismong lansangan ng Camus Extension, Bgy. Ibaba.

Sa gitna ng pagsusuntukan, bumunot ng patalim si Marquez at inundayan ng saksak sina Gozon at menor-de-edad niyang kaanak habang si Bernardo ay bumunot naman ng baril at pinaputukan si Burca na tinamaan sa kaliwang balikat.

Nakapagresponde naman sa lugar ang mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 6 na nagresulta sa pagkakadakip kay Marquez habang nakatakas naman si Bernardo.

Publication Source :    People's Tonight