Inuman nauwi sa patayan

December 16, 2018

Nauwi sa pananaksak ang isang inuman ng tatlong magkakaibigan makaraang magtalo sa hindi pa mabatid na dahilan kamakalawa ng gabi sa Quezon City.

Agad na nasawi ang biktima na si Rolando Bongalos, 37, binata, at stay-in sa itinatayong subdibisyon sa A5 Dona Sotera St., Pilar Ville Subdivision, Bgy. Tandang Sora ng nasabing lungsod.

Nadakip naman ang suspek na si Kevin Orino Diaz, 27, may asawa, laborer, stay-in din  sa  itinatayong bahay. Siya ay nakapiit ngayon sa Talipapa Police Station 3 habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kanya.

Sa inisyal na imbestigasyon ni PO3 Alvin Quisumbing ng CIDU-QCPD,  dakong alas-9 ng gabi (December 16), masaya umanong nag-iinuman sa nasabing subdibisyon ang biktima at suspek, kasama ang  ka-trabaho na sina Joshua Panagan, nang bigla na lamang magtalo sina Bongalos at Diaz.

Dahil sa nakikitang nagkakainitan na ang dalawa ay inawat sila ni Panagan kaya umalis na lamang umano ang suspek at pumunta na sa kanilang barracks upang matulog subalit sinundan ito ng biktima.

Sa galit ng suspek ay dumampot ito ng kutsilyo at inundyan ng malalaim na saksak ang biktima sa ilalim ng baba nito.