Home>News>Metro>Inuman nauwi sa patayan!

Inuman nauwi sa patayan!

PINAGBABARIL hanggang sa mapatay ang isang 22-anyos na binata sa harap mismo ng kaniyang kainuman sa loob ng kanilang tahanan sa Barangay Commonwealth, Quezon City, nitong Miyerkules ng gabi.

Sa report ng Criminal Investigation and Detction Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), ang biktima ay nakilalang si Vincent Jay Valdez, binata, walang trabaho at residente ng 163 Pipit Street, Barangay Commonwealth, QC.

Batay sa imbestigasyon ni PMSg Julius Cesar Balbuena ng CIDU-QCPD, bandang alas- 9:20 ng gabi ng October 21 ay nakipag-inuman umano ang biktima sa kaibigang si John Lloyd Encarnacion sa loob ng kanilang tahanan.

Habang tumatagay ang biktima ay bigla na lamang pumasok ang di-pa nakilalang gunman at walang sabi-sabing bigla na lamang itong malapitang sunud-sunod na pinaputukan ng baril.

Nang matiyak na patay na ang pakay ay kaswal na naglakad lamang papatakas ang suspek bitbit ang baril na ginamit sa pamamaslang at walang nagtangkang humarang sa takot na mapagbalingan.

Ayon kay PLt. John Agtarap ng SOCO, nagtamo ng maraming tama ng bala ng di-pa batid na kalibre ng baril ang biktima.

Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa motibo ng pamamaril.

Publication Source :    People's Tonight