Home>News>Metro>Isko hinikayat publiko na suportahan local traders

Isko hinikayat publiko na suportahan local traders

Isko Moreno
Pinangunahan ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, Vice Mayor Honey Lacuna at Manila Hotel President Joey Lina ang ‘God First’ sign bago simulan ang malawakang pagbubukas at paglulunsad ng Manila Restaurant Week sa Manila Hotel noong Sept. 15, 2020. Kuha ni JONJON REYES

PORMAL na inilunsad noong Sept. 15, 2020 ang “Manila Restaurant Week” na ang layunin ng lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila ay matulungan at buhaying muli ang mga lokal na negosyo na lubhang naapektuhan ng pandemya dulot ng COVID-19.

Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, bukod sa Manila Restaurant Week na pangalawang proyekto ng lokal na pamahalaan sa pangunguna nina Bureau of Permits Director Levi Facundo at Department of Tourism, Culture and Arts of Manila Director Charlie Dungo na sisimulan sa Setyembre 20 hanggang 27, patuloy pa din ang pagsuporta sa mga negosyante sa lungsod hinggil sa kampanyang “Buy Local, Eat Local”.

Giit ni Domagoso, agad na makakabangon ang mga negosyante sa lungsod na magreresulta sa pagbabalik hanap-buhay ng mga Manilenyo sa oras na magbukas muli ang mga negosyo sa Maynila.

“Hagip na hagip na ang ekonomiya, at ang susunod diyan, ‘pag di natin inayudahan ang mga negosyante ay mawawalan ng empleyo, marami nang nangyaring ganyan. This is our own little way of helping them survive this pandemic,” ani Yorme Isko.

Aniya, may kanya-kanyang pasabog ang mga makikilahok na restaurant na aabot sa 88 food establishment sa magbubukas na Manila Restaurant Week kung saan may aasahang mga”discounts” at “special menus” ang mga tatangkilik sa kanilang negosyo.

Tiwala naman ang Alkalde na susunod ang mga customer at mga may-ari ng restaurant sa wastong health protocols na ipinapatupad sa gitna ng nararanasang pandemya kasabay ng muling pagbubukas ng mga negosyo sa lungsod ng Maynila.

Publication Source :    People's Tonight