Home>News>Metro>Janitor nakahingi pa ng tulong habang sinasaksak

Janitor nakahingi pa ng tulong habang sinasaksak

ISANG janitor ang nakahingi pa ng tulong sa bis driver habang sinasaksak ng di pa kilalang salarin sa Quezon City, nitong Sabado ng gabi.

Ang biktima ay nakilalang si Penuelito Cruz, 33, may live-in partner, janitor, at naninirahan sa 49 Gen. Lim St. Bgy. Sta Cruz, Manila.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), naganap ang pagpaslang bandang alas-9:50 p.m. (December 19) sa footbridge sa harap ng Lung Center of the Philippines sa Quezon Avenue, Bgy. Central, QC.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PCpl. Jeroma Mendez, binabaybay umano ni Joseph Fuentes, driver ng Original Transport bus (TYX-610) ang nasabing lugar nang humarang ang biktima at humingi ng tulong habang sinasaksak ng di-kilalang lalaki.

Nang huminto umano sila ay agad na tumakas ang suspek kaya isinugod nila ang biktima sa East Avenue Medical Center, subalit idineklara itong dead-on-arrivel bandang alas-10:10 p.m. ni Dr. Manzo Gerardo.

Masusi pang iniimbestigahan ng mga awtortidad ang motibo sa pananaksak habang inaalam pa ang pagkikilanlan ng salarin.

Publication Source :    People's Tonight