Kasambahay halinhinang hinalay ng 2 Chinese amo

September 03, 2019

NAGISING sa mahimbing na pagkakatulog ang 27-anyos na dalagang kasambahay nang maramdaman ang pagdampi ng maiinit na mga kamay sa maseselang bahagi ng kanyang katawan kahapon ng madaling araw sa Paranaque City.

Nang magmulat ng mata ng biktimang itinago sa pangalang “Mina”, residente ng Bgy. Bagbaguin, Valenzuela City, tumambad sa kanyang paningin ang mukha ng dalawa niyang among Chinese nationals na kinilalang sina Zhangqui Cheng, 36, at Yongsheng Zhao. 20, kapuwa call center agents at naninirahan sa 4249 T Alonzo St. Bgy. Baclaran.

Tinangkang sumigaw upang humingi ng tulong ang biktima subalit tinakpan ng kanyang mga amo ang kanyang bibig at tinakot umano na may mangyayaring masama sa kanya kapag gumawa ng eskandalo na naging dahilan upang magtagumpay ang dalawa sa halinhinan panghahalay sa dalaga

Sinabi ni Mina kay P/Maj Terrence Gupa na stay-in siya sa bahay ng mga dayuhang amo at halos isang buwan pa lamang nagta-trabaho bilang kasambahay nang pasukin siya sa tinutulugang silid dakong 3 a.m.

Kapuwa amoy alak umano ang dalawa niyang amo nang halinhinang isinagawa ang panghahalay sa kanya at nagawa lamang niyang makalabas ng bahay upang humingi ng ayuda sa pulisya nang kapuwa makatulog ang mga suspek matapos makaraos sa ginawang panghahalay sa kanya.

Kaagad namang pinakilos ni Paranaque police chief P/Col. Rogelio Rosales ang mga tauhan ng Women and Children’s Protection Desk (WCPD) at inabutan pa ang mga suspek na tulog na tulog sa tinutuluyang bahay na nagresulta sa kanilang pagkakadakip.

Kasong paglabag sa R.A. 8353 o ang Anti-Rape Law ang isinampa ng pulisya laban sa dalawang dayuhang Tsino sa Paranaque City Prosecutor’s Office.