L300 van na 5 taon nang ninakaw binenta online

July 11, 2020

NATUNTON ng isang negosyante ang tinangay niyang L-300 van ng hindi pa kilalang mga carnapper may limang taon na ang nakararaan makaraang makita sa social media na iniaalok na ang sasakyan para ibenta kamakalawa ng hapon sa Valenzuela City.

Taong 2015 nang maglaho ang van ni Fausto Dela Cruz, Jr. 42 na nakaparada sa tapat ng kanyang bahay sa 52 Paso de Blas Road, Bgy. Paso de Blas kaya’t inireport niya kaagad ito sa mga awtoridad.

Kamakalawa ng hapon, namataan niya sa kanyang facebook account ang pag-aalok ng isang negosyante sa isang kulay puting L-300 van na kahalintulad ng kanyang nawawalang van kaya’t kaagad siyang nagtungo sa 5078 Darluci Stl Lopez Compound, Sitio Sulok, Bgy. Ugong upang kausapin ang taong nag-bebenta ng sasakyan.

Hinarap naman siya ng negosyanteng si Ronald Bryan Laderas, 32, at ipinakita sa kanya ang ibinebentang van.

Nang matiyak ng biktima na yun nga ang nawawala niyang sasakyan, kaagad siyang humingi ng tulong sa District Anti-Carnapping Unit ng Northern Police District (NPD) at sa pangunguna ni Lt. Emmanuel Aldana, nabawi ang sasakyan bagama’t kinailangan pa itong dalhin sa Kampo Crame upang maisailalim sa macro-etching para matiyak kung na-tampered nga ang chassis at engine number nito.

Ayon kay NPD District Director P/Brig. Gen. Ronald Ylagan, kung sakali at mapatunayang tampered sa isasagawang macro-etching ang numero ng chassis at makina ng sasakyan, kanilang kakasuhan ng paglabag sa anti-fencing law si Laderas.