Lady guard, 47, nakahulagpos sa mapagsamantala

June 26, 2019

MAHIGPIT na niyapos habang pigil ang dalawang kamay ng desperadong construction worker ang pinagpapantasyahang lady guard bago pinupog ng halik ang likod at dibdib matapos mabasted sa ginagawang panliligaw kamakalawa ng gabi sa Valenzuela City.

Inubos naman ng 47-anyos na lady guard ng Villa Esperanza Townhouse sa Brgy. Malinta na itinago sa pangalang “Becka” ang kanyang lakas upang makahulagpos sa matipunong bisig ng suspek at mabilis na nagtungo sa tanggapan ng homeowners association upang magsumbong.

Hindi naman nag-aksaya ng panahon ang pangulo ng asosasyon at humingi ng tulong sa mga tauhan ng Valenzuela Police Community Precinct (PCP) 4 na nagresulta sa pagkakadakip kay Eduardo Cruz, 40, ng Barangay Dili, Bauang, La Union.

Sa isinumiteng ulat ng Valenzuela Police Women and Children’s Protection Desk (WCPD) sa tanggapan ni P/Col. Carlito Gaces, ang city police chief, nasa loob ng guardhouse ng naturang townhouse dakong alas-10:30 ng gabi si Becka nang puntahan siya ng suspek na nagtatrabaho sa isang ginagawang bahay sa naturang lugar.

Muli umanong iginiit ng suspek sa biktima ang masidhi niyang pagmamahal at hangaring maging dyowa subalit tahasan siyang binasted at tinalikuran ng lady guard.

Dahil dito, sinunggaban ng lalaki ang pinagnanasaang biktima at habang pigil ang mga kamay ay niyapos ng mahigpit at kinuyumos ng halik ang likod at dibdib.

Kasong act of lasciviousness ang kinakaharap ngayong kaso ni Cruz sa piskalya ng lungsod ng Valenzuela.