Lalaki binaril sa ulo habang nakaluhod

December 11, 2018

Tila hindi umubra ang pagmamakaawa ng isang lalaki matapos na barilin nang malapitan habang nakaluhod ng hindi pa nakikilalang salarin sa Quezon City, kahapon ng hatinggabi.

Agad na namatay sa pinangyarihan ng krimen ang biktima na si Winifred Cabildo Maramag, may-asawa at residente ng Block 1, Lot 12, Reform 167, Bgy. Llano, Zuniga Drive, Caloocan City.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PO2 Julius P. Raz, ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD)  ang pamamaril ay nangyari bandang alas-12:18 ng hatinggabi ng (December 11) sa Austria Market  na nasa harap ng Novaliches Hotel na matatagpuan sa kanto ng Austria at  General Luis Sts., Bgy. Nova Proper, Novaliches, QC.

Ayon sa pahayag sa pulisya ni Dabby Dela Vega, helper sa palengke, abala umano siya sa pag-aayos ng mga paninda ng makarinig siya ng magkasunod na putok ng baril at doon ay nakita niya ang biktima na duguan nang nakaluhod.

Sinabi naman ng ilang mga nakasaksi sa krimen, bagama’t duguan na umanong nakaluhod ang biktima na tila nagmamakaawa sa lalaking may hawak ng baril, ay  muli itong pinaputukan sa ulo hanggang tuluyang bumagsak sa semento ang pintor.