Home>News>Metro>Lalaki nag-iwan ng chemical weapon sa sasakyan, tinutugis

Lalaki nag-iwan ng chemical weapon sa sasakyan, tinutugis

TINUTUGIS ngayon ng pulisya ang isang lalaki na nag-iwan ng isang ‘105MM Projectile’ na sinasabing isang uri ng ‘chemical weapon’ sa nakaparadang sasakyan ng may-ari ng junkshop sa Barangay Commonwealth, Quezon City, nitong Linggo ng tanghali.

Sa report ng Batasan Police Station 6, bandang alas-12:30 ng hapon (January 10), nang matagpuan ang isang abandonadong 105MM Projectile sa loob ng Perry Mazda L300, na nakaparada sa L43 Kilyawan St., Purok 8, Bgy. Commonwealth, Quezon City.

Ayon kay Sonny Libunao, 57, may asawa, at may-ari ng Junkshop, katatapos lamang niyang kumain pero pagbalik niya sa kaniyang sasakyan ay nakita niya ang 105MM projectile kaya agad niyang inireport sa pulisya sa pangambang sumabog ito.

Agad namang nagresponde ang mga operatiba ng Batasan Police Station 6 sa pangunguna ni PLt. Novelson Maanao, at maingat na kinuha ang nasabing projectile.

Matapos ay itinurn-over kay PLt. David Gundayao ng Quezon City Police District Explosive Ordnance Disposal (QCPD EOD), para sa imbestigahan kung sino ang nag-iwan ng bomba at sa maayos na disposisyon.

Publication Source :    People's Tonight