Lalaki nagwala sa resto, pinaghahanap ng pulis

Pinaghahanap ngayon ng pulisya ang isang lalaki makaraang mag-amok at basagin ang salaaming pader ng isang Korean Restaurant sa Quezon City, nitong Biyernes Santo, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.

Kinilala ni P/Lieutenant Renato M. Florentino ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon Cty Police District (CIDU-QCPD) ang mga complainant na sina Milanie Flores Reyes, 31-anyos, dalaga, manager ng Korean J. Restaurant, at residente ng No. 87 Kalayaan Ave., Bgy. Central, at Romencil Cabug Gotis, 26, binata, waiter, ng Area 5, Sitio Veterans, Bgy. Bagong Silangan, QC.

Ayon sa pulisya nakilala ang suspek dahil nalaglag umano ang wallet niya bago tumakas.

Isang identification card na may pangalang Ervin Joe Tanaka Simoy, 35-anyos, at residente ng No. 31 Road 2, Bagong Silangan ang natagpuan sa nasabing wallet.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PSSgt. Bienvenido Ribaya, ng CIDU-QCPD, ang insidente ay naganap dakong alas-4 ng madaling araw nitong nakaraang Abril 19, sa loob ng Korean J. Restaurant na matatagpuan sa Unit A-1 186, Tomas Morato corner Scout De Guia, Bgy. Sacred Heart, ng nasabing lungsod.
Abala umano sa paghahanda at pag-aayos sina Reyes at Gotis kasama ang mga staff para sa mga dadalhin at gagamitin nila sa kanilang outing nang biglang pumasok sa nasabing restaurant ang suspek.

Nagulantang  na lamang sina Reyes at Gotis at ang mga empleyado sa loob ng restaurant  nang walang kaabug-abog ay biglang nag-amok ang suspek at hinahamon sila ng away sa hindi malamang dahilan.
Agad namang nilapitan ni Gotis ang suspek at tinangkang awatin ito subalit sa halip ay sinakal siya ng huli , at pagkatapos ay binasag ang glass wall ng restaurant bago tumakas.