Lalaki nakasilid sa garbage bag sa Quezon City

December 13, 2018

Nadiskubre ang bangkay ng isang lalaki na nakasilid sa garbage bag at may mga tama ng saksak sa dibdib at kili-kili  kahapon ng umaga sa lungsod Quezon.

Patuloy na inaalam ng pulisya ang pagkaka-kilanlan ng biktima, na inilarawan lamang na nasa hanggang 45-anyos, may taas na 5’4”, katamtaman pangangatawan at may tattoo sa dibdib na ‘Boyong Reyes’, ‘Sampaga Baby’ sa likod at “Commando” sa kanang hita.

Batay sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), na pinamumunuan ni Chief Supt. Joselito Esquivel Jr., dakong 7 a.m. nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa Haciento St., kanto ng C.P. Garcia St., sa Bgy. UP Campus.

Sa salaysay sa pulisya ng guwardiya ng UP Campus na si Ruel Flores, dakong 7:30 p.m. ng Miyerkules ay nagpapatrulya siya sa lugar nang may mamataan siyang sasak-yan na pumarada doon.

Nang umalis umano ang sasakyan ay may nakita siyang itim na garbage bag sa lugar, na nakabalot ng masking tape, ngunit hindi niya ito pinansin sa pag-aakalang bangkay ng aso lamang ang laman nito.

Kinabukasan, nang mag-ikot muli si Flores ay naroroon pa rin ang garbage bag kung kaya’t tinawag ang taga-kolekta ng basura na si alyas ‘Ngongo’ upang tanggalin ito.

Gayunman, nang ala-min kung ano ang laman, ay dito nadiskubreng bangkay pala ng tao ang nasa loob nito.

Kaagad naman nilang ini-report sa university police ang pangyayari upang mai-report sa QCPD.

Hinala naman ng mga awtoridad na sa ibang lugar pinatay ang biktima at itinapon lamang ang bangkay nito sa lugar upang iligaw ang imbestigasyon sa kaso.