Home>News>Metro>Lalaki pinaulanan ng bala sa bahay, tigok

Lalaki pinaulanan ng bala sa bahay, tigok

NASAWI ang isang lalaki makaraang paulanan ng bala ng isang armadong suspek na pumasok sa kaniyang tahanan sa Quezon City, nitong Linggo ng gabi.

Ang biktima ay nakilalang si Logilito Lozada, 47, walang asawa, construction worker, at residente ng De Gloria Extension Area 1, Taniman, Bgy. Batasan Hills, Quezon City.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang alas-10:20 p.m. (January 3) ng maganap ang pamamaril sa loob ng tahanan ng biktima sa nasabing barangay.

Batay sa imbestigasyon ni PCpl. Angel Pascasio, nagpapahinga umano ang kapatid ng biktima na si Lodivico sa loob ng kaniyang silid nang makarinig ng sunud-sunod na putok ng baril.

Dahil sa malapit lang ang mga putok ng baril ay agad na lumabas umano ng kaniyang kuwarto si Lodivico at doon ay tumambad sa kaniya ang duguan nang nakahandusay na katawan ng kapatid na si Logilito.

Agad na isinugod sa East Avenue Medical Center (EAMC) ni Lodivico ang kapatid subalit idineklara itong dead-on-arrival, bandang alas- 11:37 p.m. ni Dr. Jacob Gomboc, sanhi ng mga tama ng bala ng di-pa batid na kalibre ng baril sa katawan.

Masusing sinisiyasat pa ng mga awtoridad ang motibo sa naganap na krimen.

Publication Source :    People's Tonight