Lalaki sa lamay pinagbabaril

Pinagbabaril hanggang sa mamatay ang isang hindi pa nakikilalang lalaki habang nag-uusyoso sa mga nagsusugal sa lamayan ng  nag-iisang ‘gunman’ na naka-face mask at sakay ng motorsiklo sa Quezon City, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.

Inilarawan ni Police Insp. Roldan T. Dapat ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) ang biktima na nasa edad-25-30, may taas na 5’4, fair complexion, payat, nakasuot ng asul na T-shirt at black yellow short pants.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PO1 Julius R. Vinasoy, ng CIDU-QCPD, ang pamamaril ay nangyari dakong alas-9:45 ng gabi (Martes), sa harapan ng bahay sa No. 22 Katuparan St., sa kanto ng Kalusugan St., Bgy. Batasan Hills, QC.

Ayon sa pahayag ni Marife Dela Cruz, purok leader sa nasabing barangay, papaalis na umano siya sa kanilang tahanan para mag-duty nang makarinig siya ng sunud-sunod na putok ng baril.

Agad umano siyang lumabas ng kanyang tahanan at doon ay nakita niya ang duguang nakabulagtang biktima.

Sinabi ng imbestigador na tila galit na galit ang hindi pa nakilalang suspek sa biktima dahil matapos itong pagbabarilin sa katawan ay tinarget pa ito sa ulo upang masigurong patay ang kanyang pakay na itumba.
Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa naganap na pamamaslang upang makilala ang suspek sa pamamaril.

Nasamsam ng SOCO team sa pamumuno ni PSr. Insp. Jose Bonifacio sa crime scene ang limang basyo ng bala ng hindi pa malamang kalibre ng baril, metallic fragment at metallic jacket.