Lalaki,45, binaril sa bahay

September 16, 2019

Pinagbabaril hanggang sa mamatay ang isang 45-anyos na lalaki habang nanonood ng telebisyon sa loob ng kanilang tahanan sa Quezon City, nitong Linggo ng gabi.

Kinilala ni PCpl. Alexiss Mace L. Jurado, imbestigador ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) ang biktima na si Rommel Martinez Ramirez, 45, may live in partner, at residente ng No. 35-D Kalayaan C. Ext., Bgy. Batasan Hills, QC.

Batay sa pahayag ni Ma. Jean Idanan, kapatid ng biktima sa imbestigador dakong alas-8:30 ng gabi habang nanonood umano sila ng TV ay biglang pumasok sa kanilang bahay ang isang armadong kalalakihan.

Biglang nilapitan ang kaniyang kapatid na si Rommel, sinakal ang leeg at malapitang sunud-sunod na pinaputukan ng baril sa mukha at sa katawan na agarang ikinamatay ng biktima.

Nang duguang bumulagta ang biktima ay kaswal na naglakad lamang ang suspek na  nakasuot ng itim na jacket, at bull cap, patungo sa kanilang get-away na motorsiklo kung saan naghihintay ang kasama nitong nakasuot ng helmet.
Agad namang humingi nang saklolo ang kapatid ng biktima sa kanilang mga opisyal ng barangay na siya namang nag-report sa mga awtoridad.

Nasamsam sa crime scene ng SOCO team na pinamumunuan ni PCaptain Jose Bonifacio ang dalawang basyo ng bala ng di-pa batid na kalibre ng baril.
Masusing iniimbestigahan ng mga awtoridad ang motibo sa naganap na pamamaril upang makilala ang mga salarin.