Home>News>Metro>Lasing vs lasing, 1 na-ospital, 1 timbog

Lasing vs lasing, 1 na-ospital, 1 timbog

BUGBOG-sarado ang lasing na construction worker habang kalaboso naman ang lasing din niyang kapitbahay matapos ang kanilang mainitang pagtatalo Linggo ng madaling araw sa Valenzuela City.

Nakaratay pa sa Valenzuela Medical Center si Jovic Altoveros, 43 ng Baldomero Street, Coloong 2 matapos magtamo ng grabeng pinsala sa mukha habang nadakip naman ng mga nagrespondeng opisyal ng barangay at Valenzuela police ang suspek na si James Patrick Fermin, 28, residente rin ng naturang lugar na ngayon ay nahaharap sa kasong serious physical injury.

Sa ulat na tinanggap ni Valenzuela Police chief P/Col. Fernando Ortega, nasa loob ng kanyang bahay si Altoveros nang marinig niya ang pag-iingay sa labas ng suspek dakong alas-2:30 ng madaling araw kaya’t lumabas siya upang sitahin ang kapitbahay na humantong sa kanilang komprontasyon.

Nang mairita ang suspek, pinagsasapak niya ng paulit-ulit sa mukha ang biktima hanggang sa dumating ang mga tauhan ng barangay at pulisya.

Nang dalhin ang dalawa sa pagamutan, kapuwa nag-positibo sila sa alcoholic breath examination kaya’t dinala na sa tanggapan ng Station Investigation Unit ng Valenzuela police si Fermin habang ino-obserbahan pa ang kalagayan sa pagamutan ni Altoveros.

Publication Source :    People's Tonight