LCSP nagalak sa pagbalik ng family-use motorbikes

July 11, 2020

MAGANDANG balita na sana para sa mga may family-use motorcycles dahil sa wakas ay pinayagan na ang angkasan ng mag-asawa – kung kasal o hindi ay dapat bang linawin sa guidelines.

Ito ang pahayag ni Atty. Ariel Inton, founder ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP), na nagpasalamat at naibalik na ang family-use motorcycles o back rider sa mga motorcycles.

Pero may dagdag gastos pa dito dahil kailangan daw ng metal barrier sa gitna ng driver at sakay nya, na pinaniniwalaan naman ng mga eksperto na mapanganib. Solusyon daw ang harang sa gitna sa social o physical distancing. Pero ang tanong nga ay kung safe ba. Ang design ng motor ay pinag-aralan ng mga dalubhasang inhinyero at hindi mga politiko tulad ng nagbigay ng suhestyon na ganito, saad ni Inton.

Ayon kay Inton sa observation ng mga expert, makakaapekto sa balanse ng rider at pasahero dahil parang nilagyan mo ng sariling manibela ang angkas na pasahero. Kailangan kasi sa pagmomotor, para mapanatili ng driver ang balanse ay nadadala niya ang bigat ng pasahero. Pag may aksidente ay maaring magdulot ng mas malalang sakuna ang metal barrier lalo na kapag natanggal ito at tumusok sa tao.

Ayon kay Inton magastos na, mapanganib pa. Hindi rin kaya ma-monitor ng Inter-Agency Task Force (IATF) kung gaano katibay ang installation ng mga metal barrier at maari pang makaapekto sa pag-claim ng insurance kapag may nangyaring aksidente.

May mga ibang eksperto na sinasabing sapat na ang naka helmet ang rider at ang angkas nito at additional shield back pack tulad sa gamit sa Indonesia. Maging ang mga motorcycle manufacturers ay duda sa safety ng metal barriers na iminumungkahi.

Nauunawaan naman natin na humahanap ang (IATF) ng mabisang paraan para mapanatili ang social distancing at iwasan ang hawaan. Pero kung ang papayagan lang na magka-angkas ay ang mag-asawa para saan pa ang metal barrier kung sa bahay naman ay magkasama sila.

Sana ay makita ng mga taga (IATF) ang katuturan ng mga opinyong ito bago ipatupad ang polisiya para sa metal barrier, saad ni Inton.