Level-up sa Makati

MULING tiniyak ni Makati Mayor Abby Binay na pangunahing prayoridad ng kanyang administrasyon ang edukasyon sa harap ng 1,220 mag-aaral na nagsipagtapos nitong Huwebes mula sa pitong public senior high school sa lungsod na nasa pangangasiwa ng Department of Education-Makati (DepEd Makati).

Panauhing pandangal ang alkalde sa ginanap na 2nd Commencement Exercises ng K to 12 Senior High School Program sa Marquis Events Place, Bonifacio Global City.

Sinabi ni Mayor Abby sa mga nagsipagtapos na makakaasa silang ipagpapatuloy ng kanyang pamunuan ang pagpapa-angat sa kalidad ng edukasyon sa mga pampublikong paaralan. Aniya, dapat nilang ipagmalaki na sila ay nakapagtapos sa ilalim ng public education system ng Makati dahil nakakapantay ito sa mga pribadong paaralan.

Hinimok naman ng alkalde ang mga graduate, kabilang ang 531 honor graduates, na magkaroon ng pangarap para sa kinabukasan at pagplanuhan kung papaano ito maisasakatuparan. Aniya, kailangang alam na nila kung ano ang nais nilang maging o gawin sa susunod na limang taon, at asahan nilang magiging katuwang nila ang pamahalaang lungsod, kasama ang kanilang mga magulang, sa pag-abot ng kanilang pangarap.

Binigyang-diin ni Mayor Abby ang kanyang adhikain para sa ingklusibong edukasyon, at ipinahayag na pangarap niyang ang lahat ng public schools sa Makati, hindi lamang ang Makati Science High School (MakSci), ay makapagpamalas ng excellent academic performance, lalo na sa Math at Science.

Tinukoy niya ang Project MILES (Mathematics Intensive Learning Enhancement for Students), na inilunsad noong Setyembre 2018, bilang inisyatiba ng kanyang administrasyon upang mailapit ang mga regular na public school sa pamantayan ng MakSci.

Layon ng Project MILES na paghusayin sa Math ang mga mag-aaral sa public elementary hanggang junior high school, gamit ang Koobits, isang Singaporean Math software na kilalang isang nangungunang Math learning platform.

Inanunsyo rin kamakailan ni Mayor Abby ang plano niyang magtatag ng isang paaralan na naaangkop sa isang digital city, na kumpleto sa modernong computers at mabilis na wifi connection upang maturuan ang mga mag-aaral ng pinakabagong teknolohiya. Aniya, nais niyang magkaroon sila ng kakayanang makipagsabayan sa kapwa kabataan sa mga progresibong lungsod at bansa.

Para sa school year 2018-2019, lahat ng mga mag-aaral sa public senior high schools sa Makati ay nabigyan ng libreng school supplies, uniporme at ‘Air Binay’ rubber shoes sa ilalim ng Project FREE (Free Relevant and Excellent Education) ng lungsod. Sa kauna-unahang pagkakataon, naisali rin sila sa libreng educational trips sa ilalim ng Talent Optimization Programs for Students (TOPS), bilang bahagi ng pagsusumikap ng lungsod na linangin sila bilang “globally competitive Makatizens”.

Noong 2018, nasa 400 mag-aaral ng public school sa lungsod ang nakibahagi sa Senior High School Work Immersion Program (SHS-WIP), na inilunsad ng lungsod katuwang ang DepEd Makati. Sa SHS-WIP, ipinapadala ang senior high school students sa iba’t ibang sangay at opisina ng pamahalaang lungsod upang mabigyan ang pagsasanay na may kinalaman sa kanilang kurso.

Batay sa talaan ng DepEd Makati, ang Makati High School ngayong taon ang may pinakamataas na bilang ng senior high graduates na umabot sa 363, kabilang ang 10 na with high honors at 127 na with honors. Sinundan ito ng Fort Bonifacio High School na may 202 graduates, kasama ang 39 na with honors. Kasunod ang Makati Science High School na may 166 graduates, kasama ang apat na with high honors at 154 na with honors.

Ang iba pang mga paaralang kasali sa graduation ceremony ay ang Nemesio I. Yabut Senior High School (SHS) na may 142 graduates (apat with high honors at 43 with honors); Pitogo SHS, 136 graduates (13 with high honors at 57 with honors); Benigno Aquino SHS, 129 (anim na with high honors at 44 with honors); at Maximo Estrella SHS, 82 graduates (limang with high honors at 25 with honors).

Sa kasalukuyan, iniaalok ng mga senior high school sa Makati ang mga sumusunod na academic tracks: Science, Technology, Engineering, and Mathematics (STEM), Accountancy, Business and Management (ABM), at Humanities and Social Science (HUMSS). Mayroon ding Technical-Vocational-Livelihood (TVL), Sports, at Arts and Design tracks.