Libreng legal aid sa estero cleanup

September 03, 2019

Nagbigay ng free counseling ang legal team ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa mga nakiisa sa cleanup drive ng mga estero at coastline sa Barangay Sipac Almacen sa Navotas City.

Sa ginanap na kick-off cleanup activity kamakailan, nagbigay ng free legal counseling ang mga abugado ng DENR Legal Affairs Service (LAS) sa mga residente ng barangay kapalit ng pakikibahagi ng mga ito sa ginawang paglilinis.

Ang Sipac Almacen, na siyang seat of government ng lungsod ng Navotas, ay napapaligiran ng Manila Bay sa kanluran at ng highly polluted na Malabon-Navotas River sa silangan. Ang paglilinis ng ilog ay nakatalaga sa mga Undersecretaries ng DENR na sina Ernesto D. Adobo, Jr. at Benny D. Antiporda  at Assistant Secretary Jesus Moises Enrico B. Salazar.

Ayon kay LAS Director Norlito Eneran, upang makahikayat ng mga residenteng makikibahagi sa cleanup activity ay nagbigay sila ng free legal advice na may temang “Payo pang-legal ang alay ko, ‘pag basura mo linisin mo.”

“Ang mga nakilahok ay binigyan ng tig-isang kupon (coupon) sa bawa’t sako ng basura na naipon nila. Ang kupon ay may kapalit na libreng legal counseling,” paliwanag ni Eneran.

Bukod sa staff ng LAS, katuwang din ang Lawyers Guild Inc. ng DENR, Malabon-Navotas Chapter ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) at ang Public Attorneys’ Office ng Quezon City sa pagbibigay ng free legal consultation sa lahat ng nakilahaok sa paglilinis

Ang naturang cleanup drive ay binuo bilang bahagi ng “Battle for Manila Bay”, na pinangungunahan ng inter-agency task force sa pamumuno ni DENR Secretary Roy A. Cimatu.

Ayon naman kay Adobo, hindi lamang ang gobyerno ang dapat na kumilos upang maibalik ang dating ganda at linis ng Manila Bay bagkus ay kailangan din ang tulong ng lahat ng sektor.

“Our agency will take the lead role in the Battle for Manila Bay, which Secretary Cimatu assessed, has to begin with the Battle for the Rivers and Esteros that drain into Manila Bay,” sabi ni Adobo.

Pinuri naman ni Antiporda, na siya ring DENR Undersecretary for Solid Waste Management and Local Government Units Concerns ang hakbang ni Eneran at ng mga tauhan nito sa LAS.

“I commend Director Eneran for initiating this activity,” saad ni Antiporda. “I had availed the services of lawyers for legal problems, but I never imagined engaging lawyers to clean the garbage of Manila Bay.”

Nanawagan naman si Salazar sa mga residenteng naninirahan sa paligid ng Malabon-Navotas river na makibahagi sa isinasagawang cleanup activity dahil sila rin ang makikinabang dito at ang iba pang stakeholders ng Manila Bay.

“We need to be responsible for our environment for the enjoyment of present and future generations,” dagdag pa ni Salazar.

Ang bawat division ng LAS ay nakatalaga sa isang barangay sa Malabon-Navotas river system. Mayroon ding kinatawan ang bawat division na siyang makikipag-ugnayan sa kanilang counterpart sa komunidad.

Nagsumite ang bawat grupo ng kani-kanilang plano para sa naturang river system tulad ng cleanup drive; information and education campaign; enforcement of environmental laws; at monitoring and evaluation.