Libreng wifi sa LTO clients

October 25, 2019

MAY libreng wifi na para sa mga kliyente ng Land Transportation Office (LTO)!

Ito ay matapos lagdaan ang kasunduan sa pagitan ng Ahensya at ng PLDT-Smart Communications Inc. (SMART).

Nilagdaan ni Assistant Secretary at LTO Chief Edgar C. Galvante at Senior Vice President and Head ng PLDT and Smart Enterprise Business Groups na si Jovy Hernandez ang kasunduan para sa pagkakabit ng Smart Wi-Fi hotspots sa LTO offices sa buong bansa. Ang kasunduan ay nilagdaan sa LTO Central Office, East Avenue, Quezon City, kahapon, Miyerkules, ika-24 ng Oktubre 2019.

Ayon kay LTO Chief Galvante “Malaking tulong para sa aming mga kliyente ang pagbibigay ng libre access sa internet na kalimitang ginagamit upang makakuha ng mga serbisyo, lalo na mula sa mga sangay ng pamahalaan, gaya ng LTO. Kaya pinasasalamatan namin ang PLDT-SMART sa hakbang na ito.”

Ayon sa PLDT-SMART, para sa Phase 1 ng proyekto, 64 na opisina ng LTO sa buong bansa ang mabibigyan ng hotspots, 22 dito ay nasa Metro Manila. Susunod namang kabitan internet ang mga natitirang opisina.

Ang Wi-Fi services ay bahagi ng 600 Google Station sites sa buong bansa na inanunsyo ng Google at Smart noong unang bahagi ng taong 2019. Nauna nang magbigay ng libreng internet access sa mga LTO offices sa Metro Manila, Davao, at Laguna.