Home>News>Metro>Live streamer nabuking na bakla ng Chinese chatmate, binugbog

Live streamer nabuking na bakla ng Chinese chatmate, binugbog

NAUWI sa bugbugan ang pagkikita ng isang Chinese at isang live streamer matapos madiskubre ng una na bakla pala ang kaniyang ka-chat.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU–QCPD), bandang alas–11:00 ng gabi (March 14) ng maganap ang insidente sa Brgy. NS Amoranto, Quezon City.

Sa imbestigasyon ni PCpl Alex Jurado, nagpadala umano ng P10,000 ang isang Chinese national sa isang 20 anyos na live streamer na residente ng Bgy. NS Amoranto, Quezon City.

Pero nadismaya umano ang Chinese national nang tinanggihan siyang makasiping ng lalaki at nadiskubreng homosexual ito.

Dahil dito ay nagtalo ang dalawa hanggang sa magkasakitan at huminto lamang ang kanilang sapakan ng kapwa magtamo ng mga pasa at sugat sa katawan.

Naulinigan naman ng mga nagungupahan ang ingay ng dalawa kaya inireport nila sa La Loma Police Station (PS-1), QCPD ang insidente.

Agad namang nagrespode ang mga pulis at nang makitang kapwa sugatan ang magkabilang panig ay dinala ang mga ito sa Quezon City General Hospital para sa physical/medical examination.

Kapwa namang nagsampa ng kasong physical injuries sa pulisya ang magkabilang panig.

Publication Source :    People's Tonight