Lola patay sa sunog sa QC, 3 sugatan

Isang 65 anyos na lola ang nasawi  habang tatlo ang nasugatan makaraang sumiklab ang sunog  sa Barangay Sto. Domingo, Quezon City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Maj.Gilbert Valdez, Deputy Fire Mashal ng Bureau of Fire Protection (BFP) ng Quezon City ang nasawi na si Angelita Unite, nakatira sa Don Pepe St., Bgy. Sto. Domingo sa lungsod.

Tatlo katao naman ang naitalang nasugatan na kinilalang sina Jie Die, 63, Manny Vilien, 48 at John Regalado, 4.

Sa inisyal na imbestigasyon ng BFP, nabatid na ang sunog ay sumiklab dakong alas-6 ng gabi sa ikatlong palapag na tahanan ng isang Crisanta Padilla.  

Hindi pa matukoy ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog na umakyat sa ikalimang alarma at nagtagal ng dalawang oras bago tuluyang naapula ganap na alas-8 ng gabi.

Ayon sa report, naging mabilis ang pagkalat ng apoy dahil gawa lamang sa light material ang mga bahay sa lugar at dikit-dikit pa.

Nasa 180 pamilya ang nawalan ng tahanan sa sunog na ngayon ay pansamantalang nananatili sa covered court ng barangay.

Agad namang namahagi ang mga awtoridad ng mga tent at relief goods sa mga nasunugan.