Home>News>Metro>Lolo namaril dahil sa bakod, dedo sa rumespondeng pulis

Lolo namaril dahil sa bakod, dedo sa rumespondeng pulis

PATAY ang 75-anyos na mekaniko habang sugatan naman ang dalawa, kabilang ang isang barangay tanod, sa nangyaring pamamaril kahapon ng umaga sa Taguig City.

Nagtamo ng tama ng bala sa ulo si Sergio Credo, residente ng 35 Katuray St. Lower Bicutan na naging sanhi ng agaran niyang kamatayan habang sugatan naman ang tanod na si Jaime Yao at kapitbahay na si Lorena Adriano.

Sa nakarating na ulat kay Taguig police chief P/Col. Celso Rodruguez, nagsimulang maburyong si Credo sa ingay na likha ng ginagawang pagbabakod sa katabi niyang lupa sa loob ng compound kaya’t lumabas ng bahay dakong alas-9 ng umaga at kinagalitan ang mga nagtatayo ng bakod.

Umawat naman ang tanod na si Yao at kapitbahay na si Adriano subalit sa halip na kumalma, pumasok ng bahay si Credo at muling lumabas, bitbit ang isang kalibre .45 baril at nagsimulang mamaril na nagresulta sa pagkakasugat ng dalawa.

Kaagad namang nagresponde ang mga tauhan ng Taguig police subalit nakatakbo na sa loob ng kanyang bahay ang suspek at doon muling nagpaputok ng walang habas.

Dito na nagresponde ang mga tauhan ng Special Weapons and Tactics (SWAT) hanggang makakita ng pagkakataon na paputukan ang suspek na tunamaan sa kanyang ulo.

Publication Source :    People's Tonight