Lolong basurero binugbog, patay

June 05, 2019

Natagpuang duguan at puno ng pasa sa katawan ang isang 62-anyos na lolong  basurero  sa Barangay Commonwealth, Quezon City kahapon ng umaga.

Kinilala ni P/Captain Juan B. Mortel ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) ang biktima na si Arturo Delos Angeles, may asawa, tubong Calauag, Quezon at residente ng No. 560 Purok 12, Litex Road, Bgy. Commonwealth, QC.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PSSg. Juvy Fallesgon, dakong alas-5:30 ng umaga nang matagpuan ang duguang matanda na nakahandusay sa bakanteng lote sa Don Severino sa kanto ng Cynthia, Dona Carmen Subdivision sa Bgy. Commonwealth ng nasabing lungsod.

Isa umanong residente ng subdibisyon na nagdya-jogging ang nakapansin sa nakalugmok na matanda sa bakanteng lote na pinuputakte na ng iba’t ibang insekto kaya agad niya itong inireport sa kanilang mga opisyal sa barangay.

Nang malamang may pulso pa ang lolo ay agad na isinugod ito  sa Quezon City General Hospital subalit binawian din ng buhay dakong alas-11 ng umaga sanhi ng tinamong malaking sugat sa pisngi at mga pasa, ayon sa attending physician na si Dr. Kris David B. Abiqui.

Ayon sa pulisya, posibleng binugbog ang biktima makaraang makitaan ng mga malalalim na sugat at pasa sa katawan nito.

Aalamin din ng mga awtoridad kung nakunan sa CCTV sa loob ng subdibisyon ang tunay na pangyayari upang makilala ang suspek.