Mag-asawa kulong

January 03, 2019

KAPUWA naghihimas ngayon ng rehas na bakal ang mag-asawa makaraang mahuli ang lalaki sa tangkang pagpupuslit ng droga sa loob ng piitan para sa kanyang misis na una nang nakulong kamakalawa ng tanghali sa Caloocan City.

Inakala ni Bernardo Datiles, 37, ng Phase 4B Package 9, Block 78, Bgy. 176, Bagong Silang na madali lang magpuslit ng droga sa loob ng Caloocan Police Community Precinct (PCP) 3 dahil sa dami ng mga dalaw kaya’t nagbakasakali siyang ibigay ang hilig ng asawang si Sarah, 34, sa pagsinghot ng shabu.

Dakong alas-12 ng tanghali nang dalawin ni Bernardo ang kanyang misis upang ibigay ang shabu.

Gayunman, nang kapkapan ng nakatalagang jail officer ng detention cell si Datiles, nakuha sa kanya ang dalawang transparent plastic sachet na naglalaman ng hindi pa batid na dami ng shabu.

Kaagad na isinailalim sa pag-aresto ng duty jailer si Datiles habang ang nakumpiskang droga ay dinala sa tanggapan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) upang sila na ang magpasuri nito sa NPD Crime Laboratory.