Home>News>Metro>Magnanakaw ng kable sanhi ng brownout, huli!

Magnanakaw ng kable sanhi ng brownout, huli!

NABISTO ang pagnanakaw sa kawad ng kuryente ng isang construction worker matapos maputol ang supply ng elektrisidad sa parte ng gusaling kanyang pinaglilingkuran Lunes ng gabi sa Malabon City.

Arestado si Melvin Florendo, 28, ng Blk 35, Lot 3, Landaca Torsillo St., Brgy. 28, Dagat-Dagatan, Caloocan City, nang makuha sa dala niyang bag ang kawad ng kuryente na kanyang tinangay sa kinukumpuning parte ng gusali ng Arellano University na nasa Jose Rizal Campus, Bgy. Baritan, matapos magtangkang lumabas ng compound dakong 6:30 p.m.

Lumabas sa imbestigasyon ni P/SSgt. Diego Ngippol, ng Malabon police, na biglang naputol ang supply ng kuryente sa ilang bahagi ng gusali ng naturang pamantasan na naging dahilan upang magsiyasat ang mga security officers dahil hindi naman nawalan ng elektrisidad ang malaking bahagi ng gusali.

Dito na nila natuklasan na may nagputol ng kawad ng kuryente sa may bahagi ng kinukumpuning gusali kaya’t nagsagawa kaagad ng pagi-inspeksiyon ang mga guwardiya sa mga lumalabas na kawani.

Nang inspeksiyunin ni Jomar Ollodo, security guard ng Arellano University ang bitbit na bag ni Florendo na noon ay palabas na ng compound matapos ang pagta-trabaho, nakita sa loob nito ang pinutol na kawad na may habang 2.4 metro kaya’t pinigil na niya ang suspek at kaagad na tumawag ng pulis sa Malabon Police Sub-Station 7.

Iprinisinta ng pulisya para sa inquest proceeding sa piskalya ng Malabon ang suspek na sinampahan ng kasong qualified theft.

Publication Source :    People's Tonight