Magtipid sa tubig

March 14, 2019

Inatasan ni Manila Mayor Joseph Estrada ang mga empleyado ng city hall na magtipid ng  tubig at tiyaking nasa maayos na kondisyon ang mga gripo sa lahat ng pasilidad ng  lokal na pamahalaan.

Pinakilos ni  Estrada si City Administrator Atty. Ericson Alcovendaz upang magtalaga ng  mga inspector sa mga banyo ng city hall at parke na nasa pamamahala ng lungsod para siguraduhing walang nasasayang  na tubig lalo na at dumaranas ng  water crisis ang  maraming bahagi ng Metro Manila.

Umapela rin ang alkalde sa mga carwash business at mga hotel  na maging masinop sa paggamit ng  tubig upang makatulong sa mga kinahaharap na problema.

“Iyong mga car wash business, puwede naman sigurong mag-quota system muna sila para hindi  rin naman masyadong marami ang tubig na magagamit. halimbawa, hanggang  sampu  o dalawampung sasakyan  muna  sa maghapon, iyong mga hotels naman kakanselahin muna ang pagpapalit ng  tubig sa kanilang mga swimming pool kung hindi kailangan, ani Mayor Erap.

Kasabay nito, nais din ng  alkalde na maging handa ang mga bumbero sa pagrarasyon ng tubig sa mga komunidad na mahigpit ang pangangailangan.

“Hatiran natin ng tubig lalo na ang mga komunidad na maraming sanggol at mga senior citizens dahil kailangan talaga ang  tubig”, dagdag ng alkalde.

Pinatitiyak din ni  Mayor Erap ang sapat na  supply ng tubig sa mga ospital sa lungsod upang hindi masakripisyo ang  pangangailangan ng mga pasyente.