Home>News>Metro>Mahigit 2K health frontliners sa Las Pinas nabakunahan vs COVID

Mahigit 2K health frontliners sa Las Pinas nabakunahan vs COVID

UMABOT na sa mahigit dalawang libo ang mga health care frontliners na nabakuhanan ng kontra sa COVID-19 sa iba’t-ibang pagamutan sa Las Pinas City simula nang umpisahan ang vaccination roll out ng Lokal na Pamahalaan.

May temang “Ligtas na Las Pinero,Lahat Bakunado” ang vaccination program ng lokal na pamahalaan ay sinimulan nitong Marso 9,2021 sa itinakdang vaccination site sa University of Perpetual Help System Dalta (UPHSD) Gymnasium sa Barangay Pamplona Tres at unang naturukan ng Sinovac vaccine ang 300 medical at health care front-liner ng Perpetual Help Medical Center (PHMC).

Sinundan ito ng pagtuturok ng bakuna ng Sinovac at Astrazeneca para sa iba pang front-liners sa vaccination site sa UPHSD gymnasium at sa ikaapat na palapag ng Las Pinas Doctors Hospital (LPDH).

Nabatid na daan-daang medical,health care front-liner at empleyado ng PHMC,LPDH,Pope John Paul II Hospital and Medical Center, Christ the King Medical Center,A. Zarate General Hospital at Alabang Medical Center ang naturukan na ng bakuna kontra COVID-19.

Nito lamang araw ng Lunes, Marso 15, nagpatuloy ang pagtuturok ng AstraZeneca vaccine sa 200 empleyado ng PHMC kaya umabot na sa 2,029 front-liner ang nabakunahan na layuning mabigyan sila ng proteksiyon laban sa sakit ngayong panahon ng pandemya.

Unang ibinuhos ng Las Pinas City Government sa ilalim ni Mayor Imelda “Mel” T. Aguilar ang P250-milyong pisong pondo para sa pagbili ng mga bakuna at karagdagan pang COVID-19 vaccines at nasiguro nito ang 500,000 doses na bakuna na target mabakunahan ang lahat ng mga taga-Las Pinas upang tiyakin ang kanilang seguridad sa kalusugan, kaligtasan at kapakanan.

Muling nanawagan ang alkalde sa mga residente na patuloy na mag-ingat,maging disiplinado at manatiling sumunod sa health and safety protocols upang mapagilan ang pagkalat ng sakit sa lungsod.

Ang panawagan ay bunsod ng pagtaas muli ng bilang ng mga nahahawa sa COVID-19 sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila.

Publication Source :    People's Tonight