‘Makati next Singapore’ -- Mayor Abby

December 18, 2018
Abby Binay
Masayang “nakipagkulitan” si Makati City mayor, Abby Binay, kay Vice Ganda sa ginanap na ‘Makati City Hall Christmas Party’ kamakailan (photo courtesy of Makati LGU).

ANG “maihanay” ang Lungsod ng Makati sa bansang Singapore at sa ‘City of Angels’ o ‘Los Angeles’ sa Estados Unidos, ang “pangarap” ni Mayor Abby Binay.

Ito ang ipinahayag ng alkalde sa harapan ng mga ‘Makatizen’ at mga empleyado ng ‘city hall’ sa ginanap na ‘Christmas Party’ ng lokal na pamahalaan noong Biyernes na napuno ng saya dahil na rin sa pagpapaunlak ni ‘Vice Ganda’ na maging ‘host’ sa nasabing okasyon.

Sa kanyang panayam kay Mayor Abby na nagmistulang episode ng sikat na programa sa telebisyon na, ‘Gandang Gabi Vice’ (GGV), inusisa ng komedyante ang mga saloobin ng alkalde tungkol sa kanyang mga pangunahing adhikain para sa lungsod at mga Makatizen.

Ibinahagi ni Mayor Abby ang kanyang pangarap na maging katulad ng Singapore at Los Angeles ang Makati, upang maranasan ng mga Makatizen ang maginhawang buhay.

Aniya pa, ang “pangarap” niyang ito ang dahilan kung bakit pinupursigi niyang maisakatuparan ang mga makabuluhang proyekto, katulad ng:

Makati Subway, Makatizen Card, at libreng ‘internet connection’ (WiFi) sa buong lungsod.

Binigyang diin pa ng mayora na ang multi-bilyong ‘Makati Subway Project,  na  magiging kauna-unahang subway system sa bansa, ay nagmula sa inisyatiba ng lokal na pamahalaan sa ilalim ng kanyang administrasyon.

Aniya pa, naniniwala siyang ang proyekto ay magbibigay-daan sa pagsisimula ng mga katulad pang ‘subway system’ sa iba pang mga pangunahing lungsod sa bansa.