Malabon firm di kasama sa drug syndicate — PDEA

May 26, 2019

NILINAW ng Philippine Drug Enforcement Unit (PDEA) na hindi bahagi ng sindikato ng ilegal na droga ang may-ari ng Goldwin Enterprises na matatagpuan sa Brgy. Santulan, Malabon City at lehitimo ang paglahok ng kompanya sa isinagawang bidding ng mga kargamento.

Lumitaw sa pahayag ni PDEA Director Aaron Aquino na ang P1 bilyong halaga ng shabu na nakumpiska ay hindi galing sa mismong lungsod ng Malabon at hindi tagarito ang may pakana kundi isang sindikato mula sa Cavite.

Ayon sa PDEA, ang nakumpiskang shabu ay bahagi pa rin ng nadiskubre noong buwan ng Pebrero sa Dasmariñas at Tanza at nalaman nila na may parating pang shipment mula sa Cambodia matapos isailalim sa forensic examination ang mga nakumpiskang cellphone ng mga nadakip na suspek.

Sa tulong ng Bureau of Customs, natunton ng PDEA ang shipment ng shabu na nakalagay sa mga aluminum na paleta na naka-consigned sa Goroyam Trading noong Marso 5 at upang matukoy ang sindikatong nagpasok nito sa bansa, ipinasiya nilang isubasta ang kargamento sa pag-asang lumahok ang sindikato subalit nanalo bilang pinakamataas na bidder ang Goldwin Enterprises.

Matapos matuklasan na hindi bahagi ng sindikato ang kompanyang naka-base sa Malabon, minabuti ng PDEA, sa tulong ng Malabon police, na kumpiskahin na ang mga may P1 bilyong halaga ng shabu na itinago sa mga isinubastang aluminum na paleta.

Dahil dito, pinapurihan ni Mayor Lenlen Oreta ang PDEA at Malabon PNP sa kanilang patuloy na pakikipaglaban sa illegal na droga. Matatandaan na kamakailan lamang 15 sa 21 barangay ng Malabon City ay idineklarang drug-cleared ng PDEA na nangangahulugan na 71% sa kabuuang barangay sa lungsod ang drug free pinakamataas sa buong Kamaynilaan.