Malungkot na bday ng Quezon City pulis

Sugatan ang isang pulis matapos umanong barilin ng kinakasama habang nagdiriwang ng kanyang birthday  sa loob ng kanilang tahanan sa Quezon City nitong Lunes ng gabi, habang nasugatan at nadamay din ang kanilang kasambahay, na tumulong sa pag-awat sa ginang.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director P/BGen. Joselito Esquivel Jr. ang mga biktima na si Patrolman Wilson Pepito, 34, nakatalaga sa Police Community Precinct 3 (PCP-3) ng  Bagong Silang, Caloocan City NPDO/MCRPO; at Janet  Macahilig, 37, kapwa residente ng 65 Sampaguita St., Maligaya Park Subdivision, Bgy. Pasong Putik, Quezon City.

Arestado naman ang suspek na si Angeline Flora, 27, kinakasama ni Pepito at residente rin ng naturang lugar.

Batay sa ulat ng Fairview Police Station 5 ng QCPD, dakong alas-5:30 ng hapon kamakalawa nang maganap ang insidente habang nagdiriwang ng kanyang ika-34 na kaarawan si Pepito, sa kanilang tahanan.

Ayon sa report, masaya umanong nag-iinuman ang mga biktima, kasama sina Flora at isang alyas ‘Marilyn’, ngunit nang malasing si Flora ay bigla na lamang nitong sinunggaban ang .9mm service firearm ni Pepito.

Nang maagaw ang baril ay agad na ipinutok ng suspek sa biktima na tinamaan sa katawan.

Nadamay naman si Macahilig na noon ay nagtatangkang umawat sa kaguluhan, nang tumagos ang balang tumama sa pulis at aksidenteng tumama sa kanya.

Kaagad namang naisugod sa Tala Hospital ang mga biktima para magamot.

Narekober rin ng mga awtoridad ang baril, na isang Rock Island cal. 9mm, Model M1911A1-FS, at may Serial No. RIA198737, mula sa silid ng biktima, gayundin ang mga magazine nito, na may siyam na live ammunitions at isang basyo ng bala.

Sa ngayon ay mahaharap sa kasong frustrated homicide si Flora dahil sa insidente.