Masahista nag-home service, ginahasa!

July 10, 2020

NABUHAY ang dugo ng isang obrero sa ginagawang paghimas sa kanya ng 25-anyos na dalagang masahista upang tuluyang gahasain ang biktima kamakalawa ng hapon sa Taguig city.

Naaresto naman ng mga nagrespondeng tauhan ng Taguig Police Sub-Station 4 ang suspek na si Rommel Cunanan, 49, matapos makahingi kaagad ng tulong sa barangay ang biktimang itinago lamang sa pangalang “Betty”, isang massage therapist.

Lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya na bago nangyari ang panghahalay, hiniling ni Cunanan ang serbisyo ng biktima upamg magpamasahe sa kanyang tirahan sa No. 3 Ipil-Ipil St. Bgy. North Signal.

Dahil tumatanggap naman ng home service ang dalaga na residente rin ng Barangay North Signal, kinagat niya ang alok ni Cunanan at nagtungo sa bahay ng suspek dakong alas-2:15 ng hapon.

Gayunman, hindi pa natatapos ang ginagawang pagmasahe ni Betty sa lalaki ay nademonyo na ito at puwersahang isinakatuparan ang panghahalay sa biktima.

Pinayagan naman ng suspek si Betty na lumabas ng kanyang bahay matapos ang panghahalay kaya’t nagtungo kaagad ang dalaga sa barangay upang humingi ng tulong.

Kasong paglabag sa R.A. 8353 o ang Anti-Rape Law ang kakaharapin ng suspek sa Taguig City Prosecutor’s Office.