Misis pinaslang sa bahay

June 12, 2019

PATAY na nang matagpuan ni mister ang kanyang maybahay na posibleng pinaslang ng mga nanloob sa kanilang bahay kamakalawa sa Parañaque City.

Kinilala ni Parañaque police chief Col. Rogelio Rosales ang biktimang si Cristina Escaña Torres, 29, ng Lot 5, Block 4, Saint Jude Street, Multinational Village, Barangay Moonwalk.

Batay sa salaysay  sa pulisya ng mister ng biktima na si Noel Torres, alas-9:15 ng umaga ng iwan niyang naghahanda ng pagkain ang kanyang asawa dahil pumasok siya sa opisina.

Nag-text pa aniya ang kanyang misis makapananghali at tinanong kung sa bahay siya maghahapunan.

Alas-4:11 aniya ng hapon nang magpasiya siyang umuwi at kaagad niyang tinawag ang kanyang asawa pagpasok sa kanilang bahay subalit hindi aniya tumugon ang kanyang misis kayat nagtungo siya sa kanilang silid

Dito tumambad sa kanya ang wala ng buhay niyang asawa habang nagkalat ang kanilang gamit at wala na rin ang kaha de yero.