Misis tinarakan ng mister na ‘may sayad’, tigok

November 12, 2018

Nasawi ang isang 40-anyos na ginang ma-tapos saksakin ng kanyang mister na may sakit umano sa pag-iisip kamakalawa ng gabi sa Quezon City.

Idineklarang dead on arrival sa Quirino Medical Memorial Center ang biktima na si Marian Solomon Cacao, Xerox machine operator, ng 52 Imperial St., Bgy. E. Rodriguez, Cubao, QC.

Nasa kustodiya na ng Center for Mental Health sa Mandaluyong City ang mister ng biktima na si Romulo Quodala, 42, matapos ang pananaksak at pagpatay sa kanyang misis.

Batay sa salaysay kay  PO3 George Caculba ng CIDU-QCPD ni Tyler, anak ng biktima, ang krimen ay naganap alas-10:30 ng gabi sa loob ng tahanan ng mag-asawa.

Ayon kay Tyler, napansin nila ng kanyang inang si Marian ang kakaibang ikinikilos at pagkabahala ng kanyang tatay nang malaman nito na dadalhin siya sa  University of the East Ramon Magsaysay Hospital para sa mental treatment.

Hanggang sa tumakbo  sa kusina ang suspek at nang lumabas ay armado na ng kutsilyo at sinugod ng saksak sa dibdib ang nabiglang misis nito.

Hindi naman nakaawat agad si Tyler sa pananaksak ng kanyang ama dahil sa pagkabigla at nang makita niyang duguan ang kanyang ina ay agad na tumakbo ito papalabas sa kanilang tahanan at humingi ng saklolo.

Agad namang isi-nugod sa Quirino Medical Memorial Center ang biktima subalit idineklara itong dead on arrival ng attending physician na nakilalang si Dr. Vincent Siquian, alas-10:57 ng gabi sanhi ng tinamong malalim na saksak ng patalim sa dibdib.

Ang mister naman ng biktima ay dinala ng kanyang kapatid na si Francisco Cacao sa UERM Hospital subalit gumawa ng referral slip ang doktor nito na si Dr. John Michael L. Reyes para ilipat sa National Center for Mental Health sa Mandaluyong City nang malaman na may sakit sa pag-iisip ang suspek.