Miyembro ng Salisi Gang huli sa tulong ng CCTV

February 14, 2019

KALABOSO ang isang miyembro ng ‘Salisi Gang’  makaraang makita sa “closed circuit television camera (CCTV) ang ginawa niyang pagtangay sa kita ng isang tapsilugan kahapon ng madaling araw sa Caloocan City.

Kinilala ni Supt. Ferdie Del Rosario, deputy chief for administration ng Caloocan police, ang suspek na si Ramon Umali, alyas “Moymoy”, 21 ng Phase 78 Package 4, Block 80 Lot 27, Bgy. 176 Bagong Silang.

Batay sa ulat, naganap ang pagnanakaw sa loob ng Logbis Tapsilog sa may Phase 7B Block 62 sa naturang barangay na pag-aari ng negosyanteng si Dante Gonzales, 50-anyos, dakong alas-4:50 ng madaling araw.

Ayon kay Gonzales, inihatid muna niya ang kanyang anak sa paaralan at iniwan ang kaniyang tapsilugan sa mga tindera at nang bumalik siya sa tapsilugan, napansin niya na nasa kalsada ang pitaka ng kanyang misis at wala nang laman.

Dito niya nadiskbure na nawawala na ang kanyang bag kung saan nakalagay ang kanyang pitakang naglalaman ng P35,000 na kinita ng kanyang negosyo.

Kaagad sinuri ng biktima sa footage ng CCTV makaraan siyang umalis ng tapsilugan at dito niya nakita ang suspek na tumangay ng bag.  Agad na humingi ng saklolo si Gonzales sa mga tauhan ng Police Community Precinct 3 na nagsagawa ng operasyon at nagresulta sa pagkakadakip ng suspek subalit wala na ang tinangay na salapi.