Muling pagbukas ng satellite offices, malaking kaginhawaan sa Manilenyo

November 18, 2018

MALAKING kaginhawaan sa mga Manilenyo ang muling pagbubukas ng pinalakas na mga satellite office sa bawat distrito ng Maynila na ang layunin ay ilapit ang serbisyo publiko sa lahat ng residente ng nasabing lungsod.

Ayon kay Jay Dela Fuente, head Secretariat ng Manila Barangay Bureau, binuksan na kahapon sa publiko ang Manila satellite office na matatagpuan sa Tondo Complex para sa mga taga-Distrito 1, Patricia Complex sa Gagalangin para sa mga taga-Distrito 2 at sa Rasac Covered Court sa Sta. Cruz para sa taga-Distrito 3.

Ang mga satellite office sa iba pang distrito ng Maynila ay inaasahang bubuksan sa publiko bago pa man matapos ang taon.

Ayon kay Dela Fuente, inatasan siya ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada na muling buhayin ang mga satellite office sa bawat distrito ng nasa-bing lungsod upang hindi na mahirapan ang mga residente ng nasabing lungsod na pumunta pa sa Manila City Hall para lamang kumuha ng mga requirement sa kanilang trabahong papasukan, pagkuha ng cedula, mga nagpapagamot, humihingi ng tulong at iba pang libreng serbisyo publiko..

“Ang mga serbisyong makikita sa city hall ay ilalagay natin sa bawa’t distrito ng Maynila. Ang serbisyo publiko na mismo ang lalapit sa bawa’t Manilenyo,” paliwanag ni Dela Fuente.

Ang satellite offices na matatagpuan sa bawat distrito ng Maynila ay may mga kinatawan na mula sa Manila Health Department, City Treasurer’s Office, PESO, Manila Manpower Center, Office of Senior Citizens Affairs, Manila Social Welfare and Development, City Civil Registrar’s Office, City Engineer’s Office, Department of Public Service at Manila Barangay Bureau.