Nagbigti sa silid ng kapatid

Natagpuang nakabigti at wala ng buhay ang isang binata na diumano ay may kapansanan sa pag-iisip, sa silid ng kaniyang nakatatandang kapatid na babae sa Quezon City, nitong Huwebes ng gabi.

Kinilala ni P/Lieutenant Roldan T. Dapat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD) ang biktima na si Rommel Danque Golondrina, 24-anyos, at residente ng No. 738 E. Rodriguez Sr. Avenue, Bgy. Damayang Lagi, QC.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni P/SSgt. Juvy Falleson, ng CIDU-QCPD, dakong alas-9:45 ng gabi nang matagpuang nakabigti si Golondrina sa  silid ng kapatid na babae na nakilalang si Myra na nasa ika-apat na palapag ng kanilang bahay.

Ayon sa isa pang kapatid na si Rosemarie, kumakain sila ng dinner ni Myra nang lapitan sila ni Golondrina at humingi ng sigarilyo saka umakyat sa kuwarto ng huli.

Matapos kumain ang magkapatid ay umakyat umano si Rosemarie sa taas ng kanilang bahay upang yayain nang kumain ang biktima subalit nang katukin niya ang silid ni Myra ay hindi ito sumasagot.

Dahil dito ay napilitang puwersahang buksan ni Rosemarie ang silid ni Myra at doon ay nakita niyang nakabigti ang kapatid na lalaki gamit ang kumot na itinali sa kisame.

Naisugod pa sa Delos Santos Medical Center ang biktima subalit binawian din ito ng buhay dakong alas-6:30 ng gabi, ayon sa attending physician na si Dr. M. Kriszi L. Santos.

Tumanggi nang paimbestigahan pa ng mga kapatid ang ginawang pagbibigti ng biktima dahil naniniwala silang nagpakamatay ito dahil may history umano ito ng ‘mental disorder.’